"Kung natapos ko ang aking pag-aaral disin sana'y mayron na akong dangal, na ihaharap sa'yo at ipagyayabang, sa panaginip lang ako may pagdiriwang."
Mga salitang hango sa kantang "Doon Lang" ni Nonoy Zuniga. Ang mga salitang ito ay sumasalamin sa kalagayan sa buhay ng ating mga kababayan. Gaano kasaklap ang katotohanan na sa bawat sampung kabataan na nagtatapos ng hayskul, apat lamang sa kanila ang nakakausad sa kolehiyo, at sa apat na iyon ay maswerte ng dalawa ang makakapagtapos at makakahanap ng trabaho na ukol sa kanilang tinapusan.
Sa
loob ng silid aralan, may higit walumpung bata ang
nagsisiksikan,naghahati-hati sa mga lumang libro na pinalabo na ng
pagkalubog sa baha, at may nag-iisang guro na pilit inuubos ang
kakayahan na maturuan ang lahat ng mga bata. Ang mga dakilang guro ng
ating bayan, na siyang naghuhubog ng ating mga kamalayan, ay napakaliit
ng sweldo, kaya't napipilitan silang magtinda ng tocino,longganisa at
iba pa, habang na sa kanilang klase. Masisisi ba natin sila, kung hindi
kaya ng sweldo nila na busugin ang sikmura ng kanilang sariling pamilya?
Maraming
mga bata ang hindi nakakapasok o nakakapagtapos sa pag-aaral dahil na
rin sa matinding kahirapan. Sa halip na mag-aral ay nagtatrabaho na lang
sila upang maitawid ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Marami
ang namamasura,namamalimos at nagpapalaboy laboy sa kalsada,
namamasukang kargador o katulong sa mga mayayamang pamilya. Ang iba
naman ay nappunta sa madilim na landas ng pagnanakaw at panggagantso.
Sabi nga nila, pinanganak kang mahirap, mamamatay kang mahirap. Hindi ba
ito nabibigyan ng atensiyon ng ating gobyerno? Maraming aspeto ng ating
bansa ang napapabayaan na ng husto, nangunguna rito ang edukasyon.
Nangunguna tayo sa listahan ng mga kuraptong bansa, kaya't hindi
nakapagtataka na halos mabura na rin tayo sa listahan ng mga bansang may
kalidad na edukasyon. Marahil ay masaya ang mabuhay para sa iilan sa
atin, ngunit para sa maga batang lansangan na hindi nakakapag-aral, at
kailangang magbanat ng buto upang may makain,nasaan ang pag-asa?
Marahil
lahat naman tayo ay mulat sa tunay na kalagayan ng edukasyon sa ating
bansa, ngunit mulat man tayo, wala naman tayong pakialam. Paano natin
mahuhubog ang magandang kinabukasan ni Juan Dela Cruz sa ganitong
sistema ng edukasyon? Maaari pa ba natin panghahawakan ang tanyag na mga
linyang, “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”?
No comments:
Post a Comment